Ang aming napanuod na pelikula noong Pebrero 17 sa Bulwagang Maestro Osang ay ang Sisa sa direksyon ni CJ Andaluz. Ito ay tungkol sa nobelang isinulat ni Dr. Jose Rizal na Noli Me Tangere, ngunit sa adapsyon ng direktor ay mas tinuunang pansin ang karakter ni Sisa – ang kanyang buhay, ang kanyang mga anak, ang kanyang buhay pag-ibig, at ang kanyang relasyon sa ibang karakter ng nobela.
Napakaganda, maayos, at napakalinis ng pagkakagawa sa pelikula. Ang mga lugar na pinangyarihan ng mga eksena ay naaayon. Ang mga kasuotang ginamit ay nababagay. At ang mga tugtog na ginamit sa pelikula ay tumutugma sa tema.
Ang lahat ng mga piling piling aktor sa pelikulang ito ay mahuhusay. Walang nagsapawan at balanse. Tamang tama si Jodi Sta. Maria sa karakter ni Sisa. Umangat siya bilang artista at nagampanan niyang mabuti ang kanyang karakter.
Napakahusay ng direktor ng pelikulang ito. Makikitang tunay itong pinaghandaan at masusing pinag-aralan. Ang mga bawat lugar, eksena, at mga aktor ay piling-pili at sinalang mabuti.
Masasabi kong napakaganda ng pelikulang ito. Nagustuhan ko ang ideya ng teatro sa pelikula kung saan ang mga aktor ay may hawak na mga maskara. Nabigyang hustisya ng director ang nobela ni Dr. Jose Rizal. Naisalaming mabuti ang mga magagandang aral sa nobelang Noli Me Tangere. Isang obrang maituturing.