Ang dulang aming napanuod noong Sabado ng Disyembre 4 sa CCP ay ang Anatomiya ng Korupsyon sa panulat ni Malou Jacob at sa direksyon ni Roobak Valle. Ito ay tumatalakay sa reyalidad ng mga pangyayaring nagaganap sa ating lipunan noon magpahanggang ngayon - ang paglaganap ng korupsyon. Sa dula ay ipinakita ang mga nangyayaring pamamalakad sa isang korte kung saan narito ang iba't ibang mga empleyado - abogado, stenographer, clerk, judge, at iba pa - na umiikot sa isang bulok na sistema maliban sa isang abogandong hadlang sa kamaliang ginagawa ng kanyang mga kasamahan sa opisina, at dahil rito ay hindi niya nakasundo ang mga taong nakapaligid sa kanya. Makikita natin sa dula kung paano niya hinarap ang buhay ng pagiging abogado at kung paano siya nakisama sa kanyang mga ka-trabaho. Nanindigan ba siya sa kanyang paniniwala o nagpalamon din siya sa usok ng bulok na sistema?
Sa entablado, makikitang reyalistiko ang mga props na ginamit at ang set kung saan pinapakita na nasa loob ng isang opisina sa korte ang pinangyayarihan ng palabas. Maayos ang mga ilaw na ginamit, ang special light na mas nagpaigting ng mga eksena. Ang mga costume ay magaganda't naaayon sa mga karakter na pino-portray ng mga aktor.
Sa pag-arte naman ng mga aktor ay makikitang mga propesyonal na ang mga ito kaya naman naging maganda ang kinalabasan ng palabas. Binantayan ko ang bawat pagpapalit ng mga ibang aktor ng kanilang mga karakter. Makikita rin dito ang kanilang propesyonalismo sapagkat alam kong mahirap ang pag-arte ng "multi-roles" sa isang produksyon.
Sa direksyon naman ng dula ay makikitang pinag-isipan ito ng mabuti. Maganda ang mga pag-atakeng ginawa ng mga aktor sa bawat karakter na kanilang ginanapan. Magaling at tumatak sa mga ,anunuod ang technique na ginamit para sa panimula at wakas ng palabas. Sa kabuuan ay makikita nating na-interpret ng mahusay ang materyal ng dula.
Sa dulang aming napanuod ay nagustuhan ko ang wakas sapagkat nag-iwan ito ng isang malaking katanungan sa mga manunuod kung patuloy bang nanindigan ang bida sa kanyang paniniwala o para sa pakikisama ay nagpalamon na din siya sa sistemang umiiral sa mundong kanyang ginagalawan? Sa palagay ko, sa mga palabas na tulad nito ay naipapakita ang reyalidad sa ating lipunan kaya't natutulungang mamulat ang mga tao at nagiging bukas ang kanilang mga isipan sa mga aral na dapat ay ating isa-buhay.